Inflation o presyo ng mga bilihin tumaas pa
Bumilis pa ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin nang nakaraang buwan ng Setyembre.
Sa tala ng Philippine Statistic Authority (PSA), umabot na sa 6.9% ang inflation na mas mataas kumpara sa 6.3 noong Agosto nitong taon.
Sinabi ni National Statistician Undersecretary Dennis Mapa na dulot ito ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pagkain gaya ng gulay, isda at refined sugar.
Tumaas din ang singil sa renta sa bahay, singil sa tubig, kuryente, gas at iba pang produktong petrolyo.
Ayon sa PSA, hindi pa ito ang inaasahang peak o pinakamataas na inflation rate ngayong taon.
Inaasahan aniyang tataas pa ang presyo ng mga bilihin sa susunod na tatlong buwan dahil sa epekto ng bagyong Karding lalo na sa mga taniman ng palay at paghina ng piso kontra dolyar.
Samantala, ang pinakamataas na inflation ay naitala sa Region 9 o Zamboanga na umabot sa 9.6% habang pinakamababa sa Region 2 ( Cagayan Valley ) at Region 4 (CALABARZON ) na umabot sa 5.9%.
Meanne Corvera