Inflation rate ngayong Marso posibleng mas mababa pa sa 3.8% – NEDA
Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na bababa ang inflation rate sa buwan ng Marso mula sa 3.8 percent inflation rate nitong Pebrero.
Sinabi ni NEDA Assistant Secretary Mercedita Sombilla na posibleng bumaba pa ito o kaya naman ay mapanatili ito sa kasalukuyan.
Maganda aniya ang magiging epekto nito sa presyo ng mga bilihin lalo na sa bigas na sa ngayon ay stabilize na ang presyo.
Makakatulong din aniya sa pagbaba ng inflation rate ang nalalapit na paglabas ng Implementing Rules and Regulations o IRR para sa Rice Tariffication Act.
Ayon kay Sombilla, umiikot na ang IRR na anumang oras ay pipirmahan na ng Department of Agriculture, NEDA at Department of Budget and Management.
Aniya, sa oras na malagdaan ang IRR ay marramdaman na rin 1.8 milyong magsasaka ang magandang epekto ng RT Act.
Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagsimula ng maramdaman ang epekto ng rice tariffication sa presyo ng ilang bilihin lalo na sa bigas.
Aniya ang 32 pesos kada kilong imported rice ay bahagi na ng RT act.
Dagdag nito, mas maraming murang bigas pa ang aasahan ng publiko sa mga susunod na buwan.
Ulat ni Eden Santos