Inflation rate sa bansa papalo sa 7.2 percent sa December ayon sa ekonomistang Kongresista
Inihayag ni Congressman Joey Salceda na isang economic expert na aabot sa 7.2 percent ang inflation rate sa bansa hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Ginawa ni Salceda ang pagtaya matapos pumalo sa 6.9 percent ang inflation rate sa bansa nitong nakalipas na buwan ng September.
Batay sa kalkulasyon ni Salceda hindi lang internal kundi external factors ang nagpapalala ng inflation rate sa bansa.
Binanggit ni Salceda ang epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na sinasakyan ng mga oil producing countries partikular ng Organization of Petroleum Exporting Countries o OPEC kaya nananatiling mataas ang presyo ng krudo sa world market.
Inihayag ni Salceda na nagpapalala din ng inflation rate sa bansa ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar dahil ang Pilipinas ay import dependent.
Idinagdag pa nito na papasok na ang holiday season kaya tiyak na magtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa hanggang sa pagsalubong ng bagong taon.
Vic Somintac