Inflation rate sa susunod na dalawang taon, bababa ayon sa pagtaya ng Malakanyang
Kumpiyansa ang Department of Budget and Management (DBM) na babalik sa dating 2% hanggang 4% range ang inflation rate pagsapit ng 2019 at 2020.
Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na humupa na ang presyo ng mga bagay na nagpapataas ng inflation o pressure sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Diokno patuloy ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para mabuhusan ng suplay ng pagkain ang merkado.
Ang suplay ng pagkain ang mabilis magpagalaw sa presyo ng mga bilihin pangunahin na rito ang lagay ng suplay ng bigas, karne at gulay sa palengke.
Inihayag ni Diokno na matatag na ang suplay ng bigas sa merkado at sapat din ang suplay ng karne ng manok at baboy sa mga pamilihan.
Tiniyak din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sapat ang suplay ng isda sa mga palengke.
Ikinatuwa din ni Diokno ang anunsyo ng Philippine Statistics Authority na bumaba na sa 6% ang inflation rate sa nakalipas na buwan ng Nobyembre mula sa dating 6.7 percent noong Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ulat ni Vic Somintac