Inilunsad na mushroom house livelihood program sa Meycauayan City pinakikinabangan na ngayon
Pinakikinabangan na ngayon ang inilunsad ng local government unit (LGU) sa pangunguna ng tanggapan ni Mayor Linabelle Ruth Villarica, na proyektong pangkabuhayan na tinawag na “Mushroom House Farming,” sa Barangay Pajo, Meycauayan City sa Bulacan.
Isa ang mushroom o kabute sa high-value agricultural products, at marami na rin ang nagka-interes na mamuhunan dito.
Sinimulan ang naturang proyekto Nobyembre ng nakalipas na taon, sa pamamagitan ng pagbili ng mga binhi na sinundan ng seminar at pagsasanay na pinangasiwaan ng technical consultant na si Faustino Aromin, na nilahukan ng mga miembro ng Samahang Kababaihan ng Meycauayan Inc., at HRV Livelihood Movement, Inc.
Sa pangunguna ni Gng. Bella Ira-De Leon at sa kanya na ring superbisyon, ay mas lalo pa nila itong pinag-aralan at napalago, kasama ang mga kababaihan na sakop ng iba’t-ibang barangay sa lungsod.
Sinundan pa ito ng pag-aaral tungkol sa Management on Agro-Waste with Mushroom Farming.
Ayon kay De Leon, napakaselan ng proseso ng mushroom production. Inuumpisahan ito sa fruiting bags, pagsasabit sa plastic ropes, regular na water spraying at iba pa.
Sa inisyatibo ng LGU, ay marami nang nakinabang sa naturang proyekto, kayat ibinaba na rin sa mga barangay ang pagsasanay upang mas lumawak at mas marami pa ang matuto.
Ulat ni Gerald dela Merced