Inisyal na report ng BI ukol sa sinasabing trafficking ng mga kababaihan sa Syria, natanggap na ng DOJ
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa sinasabing trafficking ng mga kababaihan sa Syria na kinasasangkutan ng mga tauhan ng ahensya.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, natanggap na ng DOJ ang inisyal na fact-finding report ng BI Board of Discipline noong Lunes.
Sa oras aniya na may makitang batayan ang DOJ ay magsasagawa sila ng pormal na imbestigasyon at disciplinary proceedings.
Pero, tumanggi muna ang kalihim na ibigay ang detalye ng paunang report ng BI ukol sa isyu.
Sinabi ni Guevarra na pag-aaralan muna ng DOJ ang nilalaman ng fact-finding reports.
Isasapubliko aniya ng DOJ ang report kapag nakumpirma nilang may sapat na basehan para sa pormal na administratibong imbestigasyon.
Sa pagdinig ng Senate women and children committee, ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros ang “baklas passport” modus na kinasasangkutan ng mga immigration personnel at mga recruiters para maipadala sa Syria ang mga menor de edad na kababaihan.
Sa nasabing modus ay pinipeke ang pangalan at kaarawan ng mga biktima sa kanilang pasaporte para makalabas ng bansa.
Isiniwalat din sa hearing ng BI whistleblower na si Alex Chiong na may Viber chat group ang mga tiwaling immigration officers na naglalaman ng listahan ng mga kababaihan na ipupuslit palabas ng bansa.
Moira Encina