Inmates sa Minimum Security Compound sa Bilibid, planong ilipat sa Fort Magsaysay
Target ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat ang mga inmate na nasa Minimum Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija simula Pebrero ng susunod na taon.
Nasa 1,400 ang populasyon ng persons deprived of liberty (PDLs) sa MinSeCom.
Sinabi ni BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr. na kayang makapag-accomodate ng 8,000 hanggang 10,000 na mga tauhan at preso ang drug rehabilitation facility sa Fort Magsaysay.
Hinihintay na lamang aniya ang pag-apruba ng Department of National Defense para magamit ang pasilidad ng BuCor.
Sayang lang aniya ang lugar dahil hindi ito napapakinabangan.
Paliwanag pa ng opisyal, pansamantala lang ang paglipat ng MinSeCom sa Fort Magsaysay habang hindi pa natatapos ang regionalization ng mga piitan ng BuCor.
Sa oras naman aniya na mailagay sa Fort Magsaysay ang mga bilanggo sa MinSeCom ay ililipat naman sa nasabing security camp ang lahat ng matatandang preso na mula sa Maximum Security Compound ng Bilibid para makatulong sa decongestion ng kulungan.
Balak din ni Catapang na maalis na rin ang Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City at magkaroon na lang ang bawat rehiyon ng correctional facility para sa mga kababaihan.
Naniniwala si Catapang na wala na dapat sa loob ng Metro Manila ang mga kulungan dahil masyado na itong urban o malapit sa kabahayan at mga tao.
Una nang ininspeksyon ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mega drug rehab facility sa Fort Magsaysay noong Agosto ngayong taon.
Ayon sa kalihim, malawak ang lugar at maaaring magsilbing minimum security prison at women’s correctional.
Binuksan ang pasilidad noong 2016 sa ilalim ng Duterte Administration.
Moira Encina