Integridad ng Hudikatura, napinsala sa mga pahayag ng kampo ni Chief Justice Sereno
Nagsalita na ang Korte Suprema kaugnay sa isyu ng Indefinite Leave ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Inotorisa ng 13 Mahistrado ng Korte Suprema si Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te na basahin at ipamahagi ang kanilang press statement dahil sa anila ay kalituhan na idinulot ng iba’t-ibang pahayag sa media ng mga tagapagsalita ni Sereno kaugnay sa uri ng leave o bakasyon nito.
Nilinaw ng mga mahistrado na naka-indefinite leave si Sereno simula ngayong March 1 at hindi Wellness leave.
Matapos anila ang kanilang mahabang deliberasyon noong Martes, napagkasunduan nilang 13 mahistrado na dapat mag-indefinite leave si Sereno dahil sa iba’t-ibang rason.
Taliwas sa pahayag ng kampo ni Sereno, iginiit ng mga mahistrado, hindi hiniling ni Sereno na ibahin ang petsa ng kaniyang wellness leave.
Mismong si Sereno anila ang nag-anunsyo na siya ay maghahain ng indefinite leave matapos niyang makausap ang dalawang most Senior Justices ng Korte Suprema.
Dahild ito, ikinalungkot ng mga Supreme Court justices ang kalituhan na idinulot ng mga anunsyo at pahayag sa media ng kampo ni Sereno.
Binigyang-diin ng mga mahistrado ng Korte Surprema na nagdulot ng matinding pinsala sa integridad ng hudikatura at ng Korte Surpema ang mga pahayag sa media ng mga tagapagsalita ni Sereno kaugnay sa indefinite leave nito,
Inaasahan anila ng Korte Suprema na kung ano lang ang napagkasunduan nila sa kanilang deliberasyon ang i-aanunsyo ni Sereno na walang anumang pagbabago o Modification at embellishment.
Sinabi pa ng mga hukom na tutugunan ng Korte sa hiwalay na proceedings ang kalituhan na idinulot ng kampo ng Punong Mahistrado.
Magsisilbi namang Acting Chief Justice si Senior Associate Justice Antonio Carpio habang naka-indefinite leave si Sereno.
Inaatasan ng Korte Suprema ang Clerk of Court at Office of the Court Administrator na ipabatid sa lahat ng hukuman at mga tanggapan ang “indefinite leave” ni Sereno.
Ulat ni Moira Encina