Interest ng mga manggagawa at employer ang dahilan kaya vineto ni Pangulong Duterte ang Security of Tenure Bill o Anti Endo Bill
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na balansehin ang interest ng mga manggagawa at mga employer kaya hindi inaprubahan ang Security of Tenure Bill o Anti Endo Bill.
Sa veto message ng Pangulo totoong dapat pinagbabawalan ang labor-only contracting, pero ang lehitimong job contracting ay dapat pa rin daw na pinapayagan.
Ito ay kung may sapat na kapital ang isang employer at kaya nitong bigyan ng kaukulang benepisyo ang lahat ng mga manggagawa alinsunod sa labor laws ng bansa.
Ayon sa Pangulo dapat daw pinapayagan ang mga negosyo na makapag-outsource ng ilang aktibidad lalo na kung makatutulong ang job-contracting sa operasyon ng negosyo pero dapat tiyakin na hindi naman ito nakasasama sa mga empleyado.
Sa ilalim ng Security of Tenure Bill pinalawak pa ang depinisyon ng labor-only contracting na sa pananaw ng Pangulo makakasisira sa pagbalanse ng interest ng mga manggagawa at employers.
Naniniwala ang Pangulo na malalagay sa alanganing posisyon ang capital at managment at maapektuhan nito kalaunan ang mga Pilipinong manggagawa.
Matatandaang ang pagwawakas sa lahat ng uri ng kontraktwalisasayon ay isa sa mga pangako ng Pangulo sa kanyang kampanya noong 2016.
Ang Security of Tenure Bill ay pinasa ng 17th Congress at nakarating sa opisina ng Pangulo nito lamang June 27.
Kung hindi sana ito vineto ng Pangulo nakatakda itong mag-lapse into law sa July 27.
Ulat ni Vic Somintac