Interim appointment ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla lusot na sa Commission on Appointments
Lumusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments ang Ad interim appointment ni Justice
Secretary Jesus Crispin Remulla.
Mabilis na nakalusot si Remulla sa makapangyarihang komisyon dahil walang naghain ng anumang
pagtutol at bilang kortesiya sa kanya na naging dating mambabatas.
Pero bago tuluyang aprubahan ang kaniyang appointment, kinuwestyon si Remulla sa ibat – ibang isyu
kabilang ang membership sa Rome Statute.
Ayon sa kalihim, wala nang hurisdiksyon ang International Criminal Court sa Pilipinas kaya
wala na silang karapatang panghimasukan pa ang mga isyung may kinalaman umano sa extra judicial
killings na sinuportahan ni Congressman Rodante Marcoleta.
Tinanong rin ito kung pabor pa siyang tuluyan nang buwagin ang Presidential Commission on
Good Government.
Ang PCGG ang ahensya ng gobyerno na naghabol sa mga umano’y ill gotten wealth ng pamilya
ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ng kalihim nasa kamay na ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Pero mula raw nang maitatag ito 36 na taon na ang nakalilipas, ang ginawa lang ay habulin ang
pamilya Marcos.
Mungkahi niya na palawakin ang trabaho ng PCGG.
Kinuwestyon rin ito ng mga mambabatas kung ano ang ginagawang hakbang para sa pagpuslit ng mga
chinese nationals sa bansa na karamihan sa kanila ay nasasangkot pa sa krimen.
Inamin ni Remulla na matindi ang kinakaharap na problema dito ng bansa.
Sa ngayon kasi aabot na sa 800 libo ang mga illegal alien na nasa loob ng bansa
Mamomonitor lang aniya ang mga ito kung gagawing mas moderno ang operasyon ng Bureau of Immigration pero dapat ring paigtingin ang police visibility.
Pagtiyak naman ni Remulla sa mga mambabatas na gagawin niya ang mandatong ibinigay ng Pangulo para sa matiyak ang patas at mabilis na hustisya sa bansa.
Meanne Corvera