International Association of Democratic Lawyers, nanawagan sa UN Security Council na umaksyon laban sa pagpatay ng US kay Iranian General Soleimani
Kinondena ng International Association of Democratic Lawyers ang pagpatay ng US kay Iranian General Qassem Soleimani at ang pagbabanta ni US President Donald Trump sa Islamic Republic of Iran.
Iginiit ng IADL na ang ginawa ng US ay isang Illegal Act of Aggression, Crime against Peace at Crime of Aggression.
Ayon pa sa grupo, paglabag sa mga US at International laws at United Nations charter na niratipikahan ng Estados Unidos ang pag-atake ng US.
Ipinunto ng IADL na sa ilalim ng Article 2.3 ng UN Charter dapat idaan sa mapayapang paraan ng mga UN member states ang anumang mga international disputes para hindi manganib ang seguridad at kapayaan ng international community.
Ang tanging exceptions lang anila sa paggamit ng puwersa alinsunod sa UN Charter ay self defense laban sa armadong pag-atake at kung ito ay otorisado ng UN Security council.
Kaugnay nito, nanawagan ang International Lawyers group sa UN security Council na umaksyon para matigil ang lahat ng karahasan at pakikialam ng US sa Middle East para mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Umapila rin ang grupo sa lahat ng UN member states na huwag bigyan ng anumang political o logistical support ang war crimes ng US.
Ulat ni Moira Encina