Internet connection ng mga telcos sa bansa, gumaganda pero
Inihayag ng National Telecommunications Commission o NTC na nagkaroon naman ng improvement ang serbisyo ng mga Telecommunications Companies o Telcos na kinabibilangan Globe at Smart ganun din ang bagong pasok na Dito at Converge.
Itoy matapos magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Telcos noon sa kanyang State of the Nation Address o SONA na kung hindi aayusin ang serbisyo ay gagawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaan.
Sa virtual press briefing sa Malakanyang sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordova na nagkaroon ng impovement ang bilis ng internet service ng Globe at Smart kung saan nasa average 28.69 mbps sa broadband at 18.49 mbps sa mobile as of November 2020.
Ayon kay Cordova dahil sa kautusan ni Pangulong Duterte sa mga Local Government Units o LGU’S na huwag binbinin ang pagbibigay ng permit sa pagtatayo ng communications tower tumaas ng 600 percent ang permit issuance kaya tumaas din ng 44 percent ang tower construction ng Globe at 74 percent sa Smart.
Inihayag ni Cordova na nasa pang 32 ang Pilipinas sa buong Asya sa broadband internet speed at pang 34 sa mobile internet speed.
Samantalang nasa top ang South Korea, Taiwan, Japan, Hongkong, China, Thailand at Vietnam.
Niliwanag ni Cordova na ang mga bansang nangunguna sa internet speed sa Asya ay ginagastusan ng gobyerno ang mga communications facilities tulad ng mga common tower at hindi iniaasa sa mga private service providers.
Umaasa naman si Cordova na mayroon pang room for imporvement para lumakas pa ang internet serivce sa bansa sa pagpasok ng taong 2021 dahil gagastusan na ng gobyerno ang pagtatayo ng mga common communications tower na magagamit ng mga Telcos .
Sapagkat naglaan ang pamahalaan ng pondo na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Information and Communications Technology o DICT.
Vic Somintac