Ipatutupad na quarantine protocol sa NCR plus sa Mayo, pag-aaralang mabuti ng IATF – Malakanyang
Titimbanging mabuti ng Inter Agency Task Force o IATF ang ilalabas na desisyon kung pananatilihin ang Modefied Enhanced Community Quarantine o MECQ o ilalagay na sa General Community Quarantine o GCQ ang National Capital Region o NCR kasama ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na magpupulong sa April 27 araw ng Martes ang IATF para pag-usapan ang magiging quarantine classification sa NCR plus na ipapatupad sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Roque ibabatay sa medical at scientific data ang desisyon ng IATF sa pagbabago ng community quarantine sa NCR plus.
Inihayag ni Roque, pangunahing pagbabatayan sa pagbabago ng quarantine protocol ang transmission rate ng COVID 19 at medical health response capacity ng mga hospital sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Batay sa report ng Department of Heallth o DOH bumaba ng bahagya ang transmission rate ng COVID-19 sa NCR plus dahil sa ipinatupad na Enhance Community Quarantine o ECQ sa nakalipas na dalawang linggo.
Sa panig naman ng OCTA research team imumungkahi ng grupo sa IATF na panatilihin muna ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil hindi pa tuluyang bumababa ang transmission rate ng COVID 19.
Vic Somintac