Ipinatupad na Community Quarantine nakatulong para mapababa ang mga kaso ng tigdas sa bansa – DOH
Malaki ang naging epekto ng ipinatupad na Community Quarantine dahil sa COVID-19 sa pagbaba ng mga kaso ng tigdas sa bansa.
Paliwanag ni Dr. Wilda Silva, program manager ng DOH national immunization program, dahil sa ipinatutupad na community quarantine ay hindi rin lumalabas ng bahay ang mga bata kaya naiiwas sila sa exposure sa tigdas at iba pang sakit.
Naging common practice narin aniya ang pagtatakip ng bibig at paghuhugas ng kamay na malaking bagay sapagkat respiratory aniya ang tigdas.
Ayon kay Silva, dahil sa mga bagay na ito ay napigilan rin ang pagkalat hindi lang ng tigdas kundi maging iba pang sakit.
Naniniwala din si Silva na nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ng tigdas ang immunization program ng DOH noong 2017, 2018 at 2019 matapos muling magkaroon ng measles outbreak sa bansa.
Dagdag pa ni Silva, bumaba na rin ang bilang ng mga naitalang nasawi dahil sa tigdas.
Sa datos ng DOH kabilang aniya sa mga rehiyon na nakapagtala ng may pinakamataas na kaso ng tigdas ang Region 10 at 11 na may mahigit 499 na kaso mula noong Enero hanggang Setyembre.
Sinundan ng Region 12 na may 388 na kaso sinundan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 275 na kaso ng tigdas.
Madz Moratillo