Iranian national na nanakit ng pulis sa Puerto Galera, posibleng mailagay sa blacklist ng BI
Posible pa ring mapadeport at mailagay sa blacklist ng Bureau of Immigration ang babaeng Iranian na nanakit ng pulis sa Puerto Galera.
Ito ay kahit hindi na itinuloy ng pulis ang paghahain ng kasong kriminal laban kay Fereshteh Marboyeh na sinasabing mayroong bipolar disorder.
Ayon kay BI spokesperson dana sandoval, naisumite na sa legal division ng kawanihan ang impormasyong nakalap kaugnay sa pagwawala at paghuhubad ni Marboyeh sa pampublikong lugar dahilan para siya ay dalhin sa himpilan ng pulisya sa Puerto Galera kung saan naman niya sinipa, sinuntok at pinaso ng sigarilyo ang isang pulis.
Sinabi ni Sandoval na nakasalalay na sa magiging pasya ng BI Legal Division kung mahaharap sa immigration case ang Iranian.
Kapag naisampa ang immigration case ay maari itong humantong sa deportasyon at pag-blacklist sa dayuhan.
Ulat ni Moira Encina