IRR ng Anti- Terror law, hindi na kailangang amyendahan– Guevarra
Wala nang pangangailangan para rebisahin ng Anti- Terrorism Council (ATC) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti- Terror law matapos na ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang dalawang bahagi ng batas.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kung mananatili at maging pinal ang ruling ng Supreme Court sa dalawang invalidated provisions sa batas ay otomatiko na rin na mapapawalang-bisa ang mga corresponding probisyon nito sa IRR nang walang anumang aksyon mula sa ATC.
Pero, ayon kay Guevarra, sa ngayon ay wala pang pinal sa Anti-Terror law.
Inaasahan aniya na maghahain pa ng mga apela ang mga petitioners sa kaso.
Karapatan din aniya ng mga partido na hilinging mairekonsidera ang ruling na hindi pabor sa nais nila.
Partikular sa mga idineklarang unconstitutional ng SC ang qualifier sa proviso sa Section at ang bahagi ng Section 25, paragraph 2 ng Anti- Terror law.
Gayunman, ang lahat ng iba pang probisyon ng batas ay “not unconstitutional.”
Samantala, desidido ang mga petitioners na hamunin ang ruling ng Korte Suprema.
Hinimok din ng mga petitioners ang publiko na patuloy na kuwestiyunin ang ATA sa kabila ng pagpapawalang-bisa sa dalawang probisyon ng batas.
Iginiit ni Bayan Muna Chair Neri Colmenares na isa sa mga petitioners at counsels sa kaso na “very devastating” sa karapatang pantao ang kabuuan ng desisyon.
Moira Encina