IRR ng Department of Migrant Workers, inaprubahan na ni Pangulong Duterte
Pinagtibay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal na Implementing Rules and Regulations o IRR ng bagong tatag na Department of Migrant Workers o DMW.
Ang IRR ng DMW ay binalangkas mismo ng Transition Committee batay sa isinasaad ng batas na lumikha sa bagong departamento ng pamahalaan.
Batay sa bagong IRR ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA ay mapapasailalim na sa Office of the Secretary ng DMW at hindi na ito isang attached agency ng Department of Labor and Employment o DOLE at direkta na itong marereport sa Office of the President.
Nakasaad din sa IRR na ang Office of the Secretary ng DMW ay may 4 na undersecretaries at ilang assistant secretaries na silang magpapatupad ng gampanin ng departamento.
Kaugnay nito walang nakikitang masamang epekto si POEA Administrator Bernard Olalia kung dalawa man ang umiiral ngayong IRR ng DMW.
Batay sa record ang unang IRR ay binalangkas mismo ni Migrant Workers Secretary Abdullah Mama-o noong April 4, 2022 at walang pagpapatibay ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Olalia batay sa bagong IRR kabilang sa mandato ng DMW ay ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga Overseas Filipino Workers o OFWS at magpatupad ng mga programa para sa kanilang kapakanan at proteksyon ng kanilang mga karapatan.
Sinabi ni Olalia na tungkulin din ng DMW na dalhin na sa mga regional at provincial offices ang mga pangunahing serbisyo para sa mga OFWS upang hindi na sila kailangan pang pumunta sa central office ng POEA at iba pang attached agencies dito sa Metro Manila para maglakad ng mga dokumento.
Inihayag ni Olalia na batay din sa IRR magsisilbing backbone ng DMW ang POEA at i-aabsorb nito ang ilang tanggapang nasa ilalim ng DOLE at DFA tulad ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs , Philippine Overseas Labor Office o POLO, International Labor Affairs Bureau, National Reintegration Center for OFW, at National Maritime Polytechnic habang magsisilbi namang attached agency ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Nakasaad din sa IRR na mayroon transitory period na 120 days ang DMW Act o Republic Act 11641 mula sa pagsasabatas nito o hanggang June 3, 2022 para makapagpalabas ng staffing pattern ang transition committee at ang paggawa ng budget ng ahensiya para sa 2023 National Budget.
Vic Somintac