IRR ng Sim Card Registration Law, pinamamadali ni Remulla para makatulong sa giyera laban online sexual exploitation of children
Bumisita sa DOJ nitong Huwebes si United Nations Special Rapporteur on the Sale and Sexual Exploitation of Children Mama Fatima Singhateh kung saan nakipagpulong ito kina Justice Secretary Crispin Remulla at iba pang opisyal ng kagawaran.
Si Singhateh ang unang UN Special Rapporteur na nagtungo sa bansa para sa official visit mula 2015.
Sinabi ni Remulla na ipinaalam niya kay Singhateh ang giyera ng pamahalaan laban sa online sexual exploitation of children (OSAEC) sa Pilipinas na nangunguna sa buong mundo sa nasabing kaso.
Aminado ang kalihim na bagamat marami nang nagawa at ginagawa ang gobyerno para mawakasan ang child exploitation ay marami pa rin problema na dapat matugunan.
Isa na rito ang paggamit sa telecommunication companies o sa prepaid sim cards ng karamihan ng nasa likod ng online sexual exploitation ng mga bata.
Dahil dito, ipinunto ni Remulla na urgent na magkaroon na ng implementing rules and regulations (IRR) ang SIM Card Registration Law upang ganap na itong maipatupad.
Nanawagan ang kalihim sa Senado at Kamara na madaliin na ang pagbuo sa IRR para makatulong sa laban sa OSAEC.
Bukod sa DOJ, bumisita at nakausap rin ni Singhateh kamakailan ang ilang opisyal sa Department of Foreign Affairs at local executives sa ilang lungsod sa bansa.
Ang UN Special Rapporteurs ay independent experts na itinatalaga ng UN Human Rights Council para pag-aralan at tugunan ang iba’t ibang human rights issues, at magbigay ng payo sa UN Member States.
Moira Encina