Irving, bumalik na sa Nets
NEW YORK, United States (AFP) — Bumalik na sa Brooklyn Nets si Kyrie Irving, matapos hindi makasama sa nakalipas na pitong laro ng koponan sa NBA, at sinabing kailangan lang niyang pansamantalang magpahinga dahil sa personal issues.
Nitong Martes, ay nakipag practice na si Irving sa iba pang manlalaro ng Nets, at ayon kay coach Steve Nash, inaasahan niyang makapaglalaro na si Irving kapag ang Brooklyn ay bumisita sa home court ng Cleveland ngayong Miyerkoles.
Family matters at mental health issues ang sinasabi ng 28 anyos na American, na sanhi ng pansamantala niyang pamamahinga, matapos ang huli niyang paglalaro noong January 5.
Pahayag ni Irving . . . “Happy to be back. Happy to be around these guys.” “We got some great pieces and we just move on and I let my actions and my game speak for itself like I planned on doing. Just needed a pause.”
Si Irving ay pinagmulta ng $50,000 para sa paglabag sa NBA Covid-19 health at safety protocols, matapos siyang makita sa isang video na dumadalo sa isang family birthday party. Nawalan din siya ng higit $800,000 mula sa kaniyang suweldo nang hindi makapaglaro sa dalawang games habang naka-quarantine.
Habang wala si Irving, nakuha ng Brooklyn ang three-time NBA scoring champion na si James Harden, sa isang four-team trade deal.
Sa pagbabalik ni Irving, pwede nang magkaroon ng “Big Three” na bubuuin nina Harden, dating NBA Most Valuable Player Kevin Durant at ni irving.
Si Irving na may average na 27.1 points, 5.3 rebounds at 6.1 assists a game, ay naging bahagi rin ng isa pang powerful trio sa koponan ng Cleveland Cavaliers kasama nina LebRon James at Kevin Love, na nakakuha ng NBA title noong 2016.
© Agence France-Presse