Isa ang namatay at isang milyong ektarya na ang tinupok ng pinakamalaking wildfire sa kasaysayan ng Texas
Nahihirapan ang Texas emergency crews na kontrolin ang pinakamalaking wildfire sa kasaysayan ng estado, na ikinamatay ng isa katao at tumupok na sa isang milyong ektarya.
Sinabi ng Texas A&M Forest Service na anim na malalaking sunog na pinatindi pa ng winter heat at napakalakas na hangin, ang aktibong naglalagablab at lima rito ay nasa northern area na kilala sa tawag na Texas panhandle.
Ang sunog sa Smokehouse Creek na siyang pinakamalaki at nagsimula noon pang Lunes, ay lumawak na sa 1,075,000 acres (435,000 hectares), at ayon sa forest service ay three percent pa lamang ang nakokontrol.
Dahil ang sunog sa Smokehouse Creek ay naragdagan ng isa pang sunog, kaya ito na ngayon ang pinakamalaking naitalang sunog sa estado, kung saan nalampasan na nito ang East Amarillo Complex disaster noong 2006 na tumupok sa 907,000 acres.
Samantala, sinabi ng isang tagapagsalita ng Hutchinson Couty emergency services na si Deidra Thomas, na bagama’t nagpatupad ng preventive evacuations sa maraming lokalidad, may natagpuang bangkay ng isang 83-anyos na babae sa siyudad ng Stinnett.
Aniya, nasa 20 istraktura sa Stinnett ang nilamon ng apoy.
Noong Martes ay nagpalabas si Governor Greg Abbott ng isang disaster declaration para sa 60 Texas counties, isang hakbang na magbibigay pagkakataon upang magamit ang resources sa paglaban sa mga sunog.
Sa kaniya namang pagbisita sa southern border ay sinabi ni President Joe Biden, na 500 federal personnel ang nagtutulong-tulong upang makontrol ang sunog sa Texas.
Aniya, “I directed my team to do everything possible to help protect the people in the communities threatened by these fires.”
Nangako rin ito ng federal support sa Texas at katabi nitong Oklahoma, habang binatikos din yaong mga hindi naniniwala sa climate change sa pagsasabing, “I love some of my Neanderthal friends who still think there’s no climate change.”
Ang mga siyudad sa buong Estados Unidos at Canada ay nakaranas nitong Pebrero ng temperaturang hindi pa nila naranasan noon, kung saan ang iba ay dumanas ng init na gaya ng init ng summer.
Ayon sa mga eksperto, bukod sa climate change ay mayroon ding papel ang El Nino weather pattern.