Isa ang patay, apat ang sugatan sa pagsalpok ng isang truck sa gutter ng isang gasolinahan sa Bataan
Isa ang nasawi habang apat naman ang nasugatan, matapos sumalpok ang isang trak sa gutter ng isang gasoline station sa Diversion road, Barangay Maligaya sa Mariveles, Bataan.
Nabatid na ang rumaragasang open side truck na minamaneho ni Jayoee dela Cruz, 33-anyos, ay may kargang tiles.
Masuwerte namang nakatalon ang tsuper matapos sumalpok ang minamaneho niyang trak, subalit tumilapon naman ang dalawang pahinante nito na nakilalang sina Nesterson Ramirez at Jaccel Torres.
Ang tatlo ay pawang mga residente ng Meycauayan, Bulacan.
Mabuti na lamang din at ang trak ay hindi tumama sa mismong gasolinahan, at mga oil tanker na nakaparada ilang metro lamang ang layo mula sa trak.
Samantala, agad na nasawi si Norvhen Gubian, isang factory worker at residente ng Brgy. Balon Anito, Mariveles nang mahagip ito habang nagpapahangin ng gulong ng kaniyang motorsiklo sa naturang gasolinahan.
Nahagip din ang isa pang biktima na nakilalang si Joven Balderama, residente ng San Isidro, Mariveles nang sumambulat sa kalsada ang tiles na karga ng trak.
Agad namang isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Mariveles Rescue Medics at MDRRMO rescue personnel sa pinakamalapit na ospital, ang apat na sugatan kabilang ang driver ng trak.
Kabilang din sa mga rumesponde ang PNP Mariveles Public Safety Office, MBDA at AFAB Fire Department.
Ayon sa ilang nakasaksi, bago sumalpok sa gutter ang trak ay nakita nila iyong bumubulusok mula sa zigzag road.
Anila, nagawa pa nitong iwasan ang isang mini bus na puno ng sakay na mga factory worker, patrol car ng AFAB Police at ilang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng PNP Mariveles ang tsuper ng trak, na mahaharap sa patong-patong na kaso ng reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries at damage to properties.
Ulat ni Larry Biscocho