Isa ang patay at anim ang nawawala makaraang lumubog ang isang yacht sa Sicily
Isa ang patay at anim na American at British nationals ang nawawala, makaraang lumubog sa gitna ng bagyo ang isang British-flagged yacht sa northern coast ng Sicily.
Kabilang sa mga nawawala ang British founder ng tech venture capital firm na Invoke Capital at co-founder ng tech firms na Autonomy at Darcktrace na si Mike Lynch.
Ayon sa mga awtoridad, hinahanap na ng rescuers ang 59-anyos na si Lynch, at 18-anyos na anak nitong babae na si Hannah, pati na rin ang dalawa kataong may British citizenship at dalawang may American citizenship.
Ang misis naman ni Lynch na si Angela Bacares, ay kabilang sa 15 kataong nailigtas, ayon sa isang source na ayaw magpakilala dahil sa kaselanan ng sitwasyon.
Ang 183-foot luxury yacht na Bayesian, ay pag-aari ng Revtom, isang kompanya na kontrolado ni Bacares at nakarehistro sa Isle of Man, batay na rin sa nakasaad sa mga dokumento.
Kabilang din sa mga nakaligtas ang isang taong gulang na batang babae, makaraang halos mamatay din ito nang mabitawan ng kaniyang ina sa gitna ng malakas na alon. Ang sanggol at ang kaniyang ina na si Charlotte Golunski ay kapwa nailigtas, ayon sa local media.
Narekober naman ng responders ang bangkay ng chef ng yacht na isang lalaking hindi natukoy ang nasyonalidad, na siyang tanging kumpirmadong namatay sa sakuna. Kabilang sa search-and-rescue operation ang apat na coast guard vessels na may dalawang helicopters at dalawang dive teams na may alternating shifts.
Ang yacht ay lumubog sa lalim na mahigit sa 160 talampakan at pinaniniwalaang may ilang mga pasaherong na-trap sa kanilang mga silid. Ang unang pagtatangka ng cave divers na maghanap sa loob ng lumubog na yacht ay hindi naging matagumpay, ayon sa local rescue authorities, sanhi ng limitadong access sa bridge at mga muwebles na nakaharang sa daanan.
Ang Bayesian ay naka-angkla may kalahating milya sa fishing village ng Porticello nang ito ay lumubog, bandang ala-5:00 ng umaga ng Lunes sa gitna ng ayon sa mga awtoridad ay isang “marahas na bagyo.” Inilarawan naman ito ng ilang Italian media outlets na isang whirlwind o buhawi.
Italian coast guard vessels respond to the scene. (Igor Petyx/Reuters/)
Ang Sir Robert, isang Dutch-flagged sailing vessel na naka-angkla malapit sa lumubog na yacht ang agad na rumesponde upang tulungan ang mga nakaligtas bago pa dumating ang Italian coast guard.
Kuwento ng mga nailigtas na crew sa mga awtoridad, 22 katao ang sakay ng Bayesian: 12 mga pasahero at 10 crew members. Sa 15 kataong nailigtas, walo rito kabilang ang isang taong gulang na batang babae, ang dinala sa mga pagamutan ngunit hindi naman “life-threatening” ang kanilang mga kondisyon.
Sinabi ni Luciano Pischedda, isang tagapagsalita para sa harbor master sa Palermo, “We don’t as of yet have an official passenger list, so all of the available information currently comes from the skipper, who was still shaken, and may be confused.”
Sa ulat ng Italian wire agency na ANSA, maaaring nasira ng bagyo ang mast ng nabanggit na sailboat, na naging sanhi upang mawalan ng balanse ang yacht.
Kuwento naman sa ANSA ni Pietro Asciutto, isang lokal na mangingisda, “I was at home when the storm hit. I immediately shuttered all the windows, then noticed the boat. It had only one mast, quite big. It was floating, still, then suddenly vanished. I saw it sink with my own eyes.”