Isa ang patay sa China highway pile-up na kinasangkutan ng daan-daang sasakyan
Isa katao ang nasawi sa nangyaring highway pile-up na kinasangkutan ng daan-daang mga sasakyan sa central China.
Makikita sa aerial pictures ang daan-daang pampasaherong sasakyan, van at trak na marami sa mga ito ay nagkabanggaan, na nakatambak sa isang seksyon ng highway.
Ang iba pang viral video na nai-post sa online ay nagpakita ng ilang sasakyang nagkasira-sira, makaraang bumangga sa iba.
Nangyari ang aksidente bunsod ng low visibility sanhi ng makapal na fog malapit sa lungsod ng Zhengzhou, Henan province, at kinasangkutan ng hindi bababa sa 200 mga sasakyan, ayon sa report ng state media.
Sinabi ng Zhengshou authorities, “On Wednesday morning, a sudden build-up of fog occurred at the Yellow River Bridge in Zhengzhou, which caused a traffic accident involving the collision of multiple vehicles.”
Ayon pa sa report, agad na nagsagawa ng emergency rescue efforts pagkatapos ng aksidente, at ang crash site ay nilinis na rin para bumalik ang normal na daloy ng trapiko.
Karaniwan na ang mga aksidente sa kalsada sa China dahil sa kakulangan ng mahigpit na kontrol sa kaligtasan. Noong Setyembre, 27 pasahero ang namatay matapos na ang isang bus na maghahatid sa kanila sa quarantine facility sa timog-kanlurang lalawigan ng Guizhou ay tumagilid sa isang motorway.
© Agence France-Presse