Isa na namang tennis player na may dugong Filipino, wagi sa US Open mixed doubles final
Dinomina ng Amerikanang si Desirae Krawczyk at Joe Salisbury ng Britanya ang US Open mixed doubles final.
Si Krawczyk ay may dugong Filipino sa kaniyang mother side.
Tinalo ng dalawa si Guiliana Olmos ng Mexico at Marcelo Arevalo ng El Salvador sa score na 7-5, 6-2 para makuha ang titulo sa match na ginanap sa Arthur Ashe Stadium.
Si Salisbury na nakatambal ng Amerikanong si Rajeev Ram at nagwagi sa men’s doubles noong Biyernes, ang unang player na nanalo kapwa sa dalawang doubles match sa New York hardcourt, na unang nagawa ng Amerikanong si Bob Bryan noong 2010.
Ayon kay Salisbury . . . “It has been such an incredible couple of weeks. It has been so much fun. To come away with two titles, I couldn’t have even dreamt that. To win the title with Des is amazing.”
Ang pagkapanalo ay ikatlo nang sunod-sunod na Slam mixed doubles title para kay Krawczyk, na si Salisbury din ang katambal nang makuha ang French Open trophy at si Neal Skupski naman ng Britanya ang kapareha nang mapanalunan ang Wimbledon mixed doubles final.
Si Krawczyk ang unang nanalo ng tatlong sunod-sunod na Slam mixed doubles titles, mula nang magawa ito ni Mahesh Bhupati ng India na napanalunan ang 2005 Wimbledon at US Open at 2006 Australian Open title.
Ang 27 anyos na si Krawczyk, at Canadian na si Leylah Hernandez ay kabilang sa mga bagong nakikilalang tennis figures na may dugong Filipino.