Isa pang barko ng PCG patungong Catanduanes para maghatid ng relief supplies sa mga naapektuhan ng Bagyong Rolly
Isa pang barko ng Philippine Coast Guard ang babiyahe rin patungong Catanduanes para maghatid ng relief supplies sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Ayon sa PCG, ang BRP Lapu-Lapu ay tutulak na patungong Catanduanes anumang oras mula sa Port of San Carlos, Negros Occidental.
Doon kasi ikinarga ang iba’t ibang relief supplies na donasyon ng ating mga kababayan mula sa Mindanao.
Kasama sa relief supplies ay mga sako-sakong bigas, mga kahon ng mga de-lata at mga galon ng inuming tubig.
Samantala, dahil sa sama ng panahon ay nagshelter naman muna sa Bacolod ang BRP Gabriela Silang ng PCG.
Sa oras na bumuti na ang panahon ay tuloy na ang biyahe nito patungong Catanduanes para ihatid ang panibagong batch ng relief supplies.
Madz Moratillo