Isa pang kaso ng hinihinalang polio, sinusuri ng DOH….outbreak, idineklara na
Itinuturing nang outbreak ang sakit na polio sa bansa.
Kasunod ito ng pagkakatala ng kauna-unahang kaso sa Lanao del Sur makalipas ang 19 taon.
Ang resulta ng pagsusuri ay kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Estados Unidos at Japan nito lamang Setyembre.
Maliban dito, isa pang kaso ng acute flaccid paralysis o suspected polio ang sinusuri ngayon at naghihintay lang ng kumpirmasyon .
Pero ayon kay Health secretary Francisco Duque III, ayaw muna nilang magbigay ng karagdagang detalye hinggil rito.
Samantala, patuloy na nananawagan ang DOH sa publiko lalo sa mga magulang na ang anak ay nasa edad lima pababa na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra polio.
Bukod sa pagpapabakuna, mahalaga ring panatilihin ang malinis na pangangatawan gaya ng paghuhugas ng kamay lalu na kung gumamit ng palikuran dahil ang polio virus ay nakukuha mula sa dumi ng tao.
Kinumpirma rin ni Duque na may nakitang polio virus sa sample ng tubig mula sa sewage sa Maynila at Davao city na nakita matapos ang regular na environmental surveillance.
Dagdag ni Duque, kabilang sa sintomas ng polio ay kahalintulad ng sa flu, lbm, fatigue, pagausuka, pananakit ng likod ng leeg, leeg, pananakit ng binti at sa ibang kaso ay nauuwi na sa pagkaparalisa.
Bagamat maaaring mauwi sa kamatayan ang polio isang porsyento lang naman ang posibilidad nito ayon kay Duque.
Ulat ni Madelyn Moratillo