Isa pang petisyon kontra sa Anti- Terror law, inihain sa Korte Suprema ng mga Development at Environmental groups
Patuloy na nadaragdagan ang mga petisyon na isinasampa sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism law.
Ang pinakabagong petisyon kontra sa RA 11479 ay inihain ng ibat-ibang development, environmental, agricultural, at consumer groups.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng mga grupo sa pangunguna ng Coordinating Council for People’s Development and Governance, Incorporated na ideklarang null and void ng Supreme Court ang buong Anti- Terror Act dahil sa pagiging labag sa Saligang Batas.
Nais din ng mga petitioners na mag-isyu ang Korte Suprema ng TRO o Status Quo Ante Order para pigilan ang Anti- Terrorism Council na gampanan ang mandato nito at ang pagbuo ng implementing rules and regulations ng batas.
Respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Senate President Vicente Sotto III, at House Speaker Alan Peter Cayetano.
Naniniwala ang mga petitioners na Anti-Tulong o hadlang ang Anti- Terror law para magawa nila ang kanilang mga development works lalo na’t kabilang sila sa mga itinuturing ng gobyerno na front ng mga komunista.
Inaasahan din nila mas dadami ang human rights violations dahil magiging lehitimo na ang warrantless arrests at ang pagtugis sa mga aktibista at mga ikinukonsiderang communists groups.
Umaabot na sa mahigit 30 ang mga petisyon laban sa kontrobersyal batas.
Una nang inihayag ng DOJ na natapos nang ibalangkas ang IRR ng Anti- Terror law at hihinintay na lamang ganap na maaprubahan.
Moira Encina