Isa pang petisyon na nagpapatawag ng joint session ng Kongreso, inihain sa Korte Suprema
Isa pang petisyon ang inihain sa Korte Suprema para atasan ang dalawang kapulungan ng Kongreso na magdaos ng joint session kaugnay sa deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.
Kabilang sa mga petitioners sina dating Senador Wigberto “Bobby” Tañada, Catholic Bishop Broderick Pabillo at ilang student groups.
Sa kanilang petisyon, iginiit nila na mandatory na mag-joint session ang Senado at Kamara para rebyuhin ang proklamasyon ng Martial Law alinsunod sa saligang batas.
Ang kabiguan anila ng Senado at Kamara na magsagawa ng joint session ay nagkakait sa mga mambabatas na magdebate at mabusisi ang factual basis na pinagbatayan sa deklarasyon ng martial law.
Maituturing anila na grave abuse of discretion ang kabiguan ng Kongreso na tumalima sa nasabing requisite ng Konstitusyon.
Ulat ni: Moira Encina