Isa pang petisyon vs. NCAP, inihain sa SC
Nadagdagan ang petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa legalidad ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Isang abogado na nagmulta ng P20,000 dahil sa NCAP ang naghain ng petisyon para ipatigil ang implementasyon ng programa.
Partikular na hiniling ng petitioner na si Atty. Juman Paa na ipahinto at ideklarang labag sa Saligang Batas ng Supreme Court ang City Ordinance ng Manila City Government na nagpapatupad sa NCAP.
Respondents sa petisyon sina Manila Mayor Honey Lacuna at ang Manila City Council.
Iparerehistro sana ng petitioner ang kaniyang sasakyan sa LTO sa La Loma, Quezon City noong Hunyo.
Pero, ipinabatid sa kaniya ng LTO na hindi niya puwedeng irehistro ang sasakyan hanggang sa mabayaran niya ang mga multa sa traffic violations na nahuli sa pamamagitan ng NCAP sa lungsod ng Maynila.
Noon lang din nalaman ng petitioner na may apat na paglabag na obstruction to pedestrian lanes ito na nagkakahalaga ng P20,000.
Iginiit ng petitioner na wala siyang natanggap na notice of violation kaya hindi dapat pabayaran sa kaniya ang surcharges at interests.
Ayon sa petitioner, nilalabag ng NCAP ang maraming karapatan ng indibiduwal sa ilalim ng Konstitusyon.
Kabilang aniya rito ang right to privacy ng mamamayan bukod pa sa right to due process.
Napag-alaman ni Paa na walang security protocols sa website ng Manila City LGU kung saan makikita agad ang record ng kaniyang traffic violations kapag inilagay ang plate number ng kaniyang sasakyan.
Nangangamba ito na posibleng magamit ang mga impormasyon ng mga malisyosong indibiduwal para siraan ang sinumang registered car owner.
Moira Encina