Isa pang siyudad sa China isinailalim sa lockdown
Isa pang siyudad sa China ang isinailalim sa lockdown upang mapigilan ang muling pagdami ng kaso ng Covid-19.
Ito na ang ikatlong lungsod na ini-lockdown kayat ngayon ay halos nasa anim na milyong katao na ang pinatawan ng stay-at-home orders, dahil target ng Beijing ang zero cases bago ang nalalapit na Winter Olympics.
Ginamit ng China ang isang zero tolerance approach sa virus mula nang una itong lumitaw sa bansa noong 2019, kung saan nagsara sila ng borders para mapigilan ang pagkakaroon ng bagong outbreaks, at nagpatupad ng target lockdowns at mahigpit na quarantine measures.
Bagama’t nakatulong ang mga nabanggit para ang bilang ng mga bagong kaso ay naging mas mababa kaysa karamihan ng mga bansa, ang pinakamataong lugar sa buong mundo ay kasalukuyang nahaharap sa maliliit na outbreaks sa hindi bababa sa 11 mga probinsiya.
Ang muling pagkakaroon ng outbreaks ang nagtulak sa mga opisyal upang i-lockdown ang Lanzhou City, na may higit sa apat na milyong populasyon at ang Ejin sa Inner Mongolia region.
Samantala, matapos may makumpirmang isang bagong kaso, nagpatupad na rin ng lockdown ang mga awtoridad sa Heihe sa Heilongjiang province, at ipinag-utos sa mga residente na manatili sa kanilang bahay at binawalan din ang mga ito na lumabas ng lungsod maliban kung emergencies.
Sinimulan na rin ng mga opisyal ng siyudad ang testing sa 1.6 na milyong residente at tracing sa naging close contacts ng infected individuals.
Batay din sa mga balita, sinuspinde muna ang biyahe ng mga bus at taxi habang ang ibang mga sasakyan ay hindi pinalalabas ng lungsod.
Samantala, libu-libong iba pa ang nasa ilalim naman ng targeted lockdowns ng housing compounds sa ilang siyudad kabilang na ang Beijing na pagdarausan ng Winter Games sa Pebrero ng susunod na taon. (AFP)