Isa patay, dalawa ang nawawala sa Japan pagkatapos umulan nang malakas dahil sa bagyong Mawar
Isa katao ang nasawi at dalawa ang nawawala, bunsod ng malakas na mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Japan dahil sa dating Typhoon Mawar, na ngayon ay ibinaba na sa isang tropical storm.
Ayon sa isang opisyal ng lungsod, isang lalaki na tinatayang nasa kaniyang 60s ang natagpuan ng isang rescue team sa Toyohashi, sa central Aichi region kung saan inilabas ang highest-level evacuation alert nitong Biyernes, sa loob ng isang nakalubog na kotse ngunit kinalaunan ay kinumpirmang patay na.
Sa western Wakayama, kung saan ilang ilog ang umapaw ay sinabi ng mga opisyal na ipinagpatuloy nila ang paghahanap sa isang lalaki at isang babae na nawawala.
Sa central at western Japan, maraming evacuation orders — na non-compulsory, kahit sa highest level — ang ibinaba na ngayong Sabado makaraang humina ang mga pag-ulan.
Subalit may inilabas na panibagong babala sa mga lugar na malapit sa Tokyo nitong Sabado ng umaga bunsod ng mga panganib ng pagbaha.
Ayon sa Tokyo Electric Power Company, may 4,000 kabahayan sa rehiyong malapit sa Tokyo ang nakararanas ng kawalan ng suplay ng kuryente.
Nitong Biyernes, nagbabala ang top government spokesman na si Hirokazu Matsuno, “of ‘extremely heavy rainfall with thunderstorms’ in a wide area over the next three days.”
Aniya, isa ang malubhang nasaktan at pitong iba pa ang nagtamo ng minor injuries.
Sinasabi ng mga siyentipiko na ang pagbabago ng klima ay nagpapatindi sa panganib ng malakas na pag-ulan sa Japan at sa iba pang lugar, dahil ang mas mainit na kapaligiran ay nag-iipon ng mas maraming tubig.