Isa patay, siyam sugatan sa gulo sa Bilibid; septic tank sa Maximum Security Camp, hinukay dahil sa hinihinalang bangkay ng nawawalang PDL
Patay ang isang preso sa saksak habang siyam na inmates ang sugatan matapos tamaan ng bala ng baril sa Maximum Security Compound sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections OIC Deputy Director General for Operations Angelina Bautista, nangyari ang insidente bandang 9:00 ng gabi ng Martes, July 25.
Nag-ugat ang pangyayari sa away ng dalawang preso na miyembro ng Batang City Jail at Bahala Na gang sa Quadrant 3.
Pero nang magkaayos naman aniya ang dalawang inmates ay may isang PDL ang nagpaputok ng kalibre 45 baril.
“So ngayon dun sa pagpapaputok nya may siyam na po nagtakbuhan po so may siyam po na injured pero di po fatal at may isang namatay.. Yun pong namatay dahil? Nasaksak po ng ice pick kaya iniimbestigahan natin kung magkaibang issue yung nangyari kagabi” pahayag ni Bautista.
Dinala aniya sa NBP Hospital ang anim habang ang tatlo ay isinugod sa ibang pagamutan sa labas ng Bilibid.
Iniimbestigahan pa ng BuCor kung paano naipuslit ang baril at kung konektado ba ang mga away.
Sinabi ni Bautista na naka-isolate na ang PDL na nagpaputok ng baril at inaalam na kung ang baril na narekober sa lugar ay ang ginamit nito.
“Hindi po ito riot ang riot po kasi bakbakan ng lahat ng pangkat at maraming involved personal po pagtatalo po ang nangyari dito” dagdag pa aniya.
Samantala, hinigop at hinukay ang septic tank sa Dormitory 8 Quadrant 3 ng Maximum Security Camp.
Ito ay makaraan na maamoy ng search and rescue dogs ng Philippine Coast Guard ang posibleng bangkay ng nawawalang PDL sa septic tank.
Dumating din sa Bilibid ang mga tauhan ng NBI Forensics Division para kumpirmahin kung may bangkay sa septic tank at kung ito ba ay ang nawawalang PDL na kinilalang si Michael Angelo Cataroja na una nang napaulat na nawawala noong July 15.
“Di pa siya natatagpuan as per report coast guard july 20 to 25 sila. Nagpanel gumamit ng search and rescue dogs para ma-trace buhay man o patay so 2 po ung nag-indicate yung aso una kisame yung damit niya pangalawa dito sa septic tank” patuloy na pahayag ni Bautista
Sinabi pa ni Bautista na base rin sa mga impormasyon mula sa PDLs ay mass graveyard o ginagawang tapunan o libingan ang septic tank sa mga nakaraan.
“As per report maraming tumakas dito pero ung sinubmit report na pinafinalize ko pa tumigil sa 2019 pero as per sa mga intel report na kinukuha natin maraming tumakas pero bakit wala sa report” dagdag pa ng OIC BuCor
Sinabi ng BuCor na hihintayin nila ang final report ng NBI forensics ukol sa kung ano ang matatagpuan sa septic tank.
May hinala naman si Justice Secretary Crispin Remulla na ang mga posibleng bangkay sa septic tank ay konektado sa mga patayan sa Bilibid sa nakaraan.
“We will be needing help of forensic anthropologists ” sabi naman ni Remulla.
Moira Encina