Isa sa mga estudyante ng PUP na narecruit ng NPA, humarap sa Senado
Naging emosyonal ang isang 21-anyos na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pagharap nito sa imbestigasyon ng Senado.
Sa harap ito ng ginagawang pagbusisi ng Senado sa sa isyu ng pagkawala ng ilang estudyante na umano’y ni-recruit ng makakaliwang grupo.
Ayon sa nagpakilalang si Allen, menor de edad pa sya nang marecruit sa loob ng PUP, Sta Mesa campus para lumahok sa umano’y demokratikong pakikibaka laban sa gobyerno.
Sa loob pa umano sila ng eskwelahan nagsasagawa ng mga pagkilos at may approval ng ilan nilang mga professors.
Dalawang taon lang aniya sya sa kolehiyo pero napabayaan niya ang pag-aaral dahil pinaigting ng League of Flipino students ang kanilang mga pagkilos laban sa gobyerno at doon na sya nagsimulang mamuhay sa bundok.
Pero ayon kay Allen, sumuko sya sa militar dahil mula ng nabuntis sya at nanganak wala siyang nakuhang tulong mula sa mga miyembro ng NPA.
Ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ito ang dahilan kaya napilitan silang imbestigahan ang isyu.
Wala aniyang basehan ang mga alegasyon ng ibat-ibang grupo ng mga kabataan na ang ginagawa nilang imbestigasyon ay bahagi ng pangha- harass ng Senado at para mapigilan ang student activism o mga pag-aaklas laban sa pamahalaan.
Ayon kay Dela Rosa sa kanilang impormasyon, 12 menor de edad pa ang panibagong na recruit at hanggang ngayon ay nawawala.
Nais lang aniya nilang protektahan ang mga kabataan na posible pang marecruit ng npa.
Ayon sa militar, nakatanggap sila ng impormasyon na mismong ang NPA ang pumapatay sa kanilang mga miyembro na nais nang kumalas sa grupo pagkatapos ay ibibintang sa militar.
Ulat ni Meanne Corvera