Isang abogado dudulog sa Senado at Korte Suprema para kwestyunin ang bidding ng plaka ng LTO
Magpapasaklolo na sa Senado ang isang abogado para paimbestigahan ang public bidding ng Land Transportation Office para sa mga plaka ng sasakyan na aabot sa siyam na raan siyam na put walong milyong piso.
Ayon kay Atty. Leo Romero, dudulog rin siya sa Korte Suprema dahil iligal ang ginawa ng LTO na itinuloy ang bidding kahit may nakabinbiin siyang manifestation at mosyon sa bids and awards committee ng LTO.
Partikular na kinukwestyon ni Romero kung saan mangagaling ang pondo para sa plaka dahil wala pang inilalaan ang Kongreso sa ilalim ng inaprubahang General Appropriations Act of 2017.
Ibig sabihin labag aniya sa section 29 article 6 ng saligang batas ang paggamit ng pondo na hindi naman nakalaan para rito.
Kinukwestyon din nito ang term of reference sa isinagawang bidding na tila kahalintulad ng proposal ng dayuhan bidder na makikita umano sa company brochure nito na isinumite sa LTO.
Dahil dito, lalabas na paborable sa isang bidder ang ginawang bidding dahil pasok sa kaniya ang mga itinakdang pamantayan ng BAC.
Si Atty. Romero ang abogado na umakyat noong 2013 sa Korte Suprema para kwestyunin ang pagdodonate ng Customs sa mga plaka sa LTO na kinumpiska mula sa isang provider dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.
Ipinunto kasi ng petitioner ang inilabas na notice of disallowance ng COA na aabot sa limang daang milyong piso na dahilan ng pag-iisyu ng Temporary Restraining Order ng Korte Suprema.
Ulat ni: Mean Corvera