Isang abogado hiniling sa SC na ideklarang bakante ang mga posisyon ng Ombudsman at Deputy Ombudsman
Nais ng isang abogado na ideklara ng Korte Suprema na bakante ang mga posisyon ng Ombudsman at Deputy Ombudsman.
Sa petisyon ni Atty. Rey Nathaniel Ifurung, hiniling niya sa Korte Suprema na ideklarang labag sa saligang batas ang Section 8 paragraph 3 ng RA 6770 o Ombudsman Act of 1989.
Sa nasabing probisyon, sakaling mabakante ang posisyon ng Ombudsman sa kadahilanang ang opisyal ay nagbitiw o namatay, ang mahihirang na kapalit niya sa pwesto ay magsisilbi nang full term o pitong taong na buong termino.
Pero giit ng petitioner, kontra ang probisyon na ito ng batas sa itinatakda ng Section 11, Article 11 ng 1987 Constitution na tumutukoy sa haba ng panahon na dapat manungkulan ang mahihirang na Ombudsman at kanyang mga deputy.
Naniniwala ang abogado na ang Section 11 ng Article 11 ay dapat na basahin nang akma sa itinatakda ng Section 1, Article 9 na tumutukoy naman sa panunungkulan ng mga pinuno ng COA, Comelec at Civil Service Commission na nagsasabing kung mabakante ang pwesto ng mga pinuno sa tatlong Constitutional Commission, bubunuin lamang ng magiging kapalit ang unexpired term ng sinundan niya sa pwesto.
Para sa petitioner pakay ng mga bumuo sa 1987 Constitution na gawing kapareho ang estado ng Office of the Ombudsman sa tatlong constitutional commission.
Dahil dito, dapat din anyang ipatupad sa Ombudsman ang limitasyon sa haba at serbisyo ng termino na ipinaiiral ng Konstitusyon sa CSC, COA at COMELEC.
Ibig sabihin aniya ang termino ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay nagpaso na noon pang February 1, 2015.
Ulat ni: Moira Encina