Isang abugado, pinatawan ng 2-taong suspensyon ng Korte dahil sa annulment of marriage scam
Pinatawan ng dalawang taong suspensyon ng Korte Suprema ang isang abogado dahil sa annulment of marriage scam.
Sa pitong pahinang desisyon, napatunayang guilty ng Supreme Court en banc si Atty. Grace C. Buri ng mga paglabag sa Code of Professional Responsibility dahil sa kabiguang maghain ng petition for annulment kahit nakatanggap na ng bayad mula sa kanyang kliyente.
Kaugnay nito, iniutos ng Supreme Court kay Buri na isauli sa complainant na si Pia Marie B. Go ang 188 thousand pesos na legal fees na ibinayad nito sa kanya sa loob ng 90 araw mula maging pinal ang desisyon.
Pinagbabayad din si Buri ng multang limang libong piso dahil sa kabiguang makatugon sa direktiba ng Integrated Bar of the Philippines- Committee on Bar Discipline.
Nabigo ang abogado na bigyan ang complainant ng mga kopya ng orihinal at re-filed petition for annulment at mag-isyu ng resibo sa tinanggap nitong bayad sa kabila ng pangungulit dito ni Go.
Tuluyang kinasuhan si Buri matapos maberipika ni Go mula sa Office of the Clerk of Court ng Muntinlupa RTC na walang inihain na petition for annulment ang abogado kahit binayaran na niya ito.
Kinuha ng complainant ang serbisyo ni Buri noong 2012 sa halagang 150 thousand pesos bilang package engagement fee at professional services
Pero Hiniling ni Go kay Buri na i-hold muna ang paghahain ng petisyon kung saan sinabi ng abogado na iniatras nito ang annulment petition na kanyang inihain.
Nang ipinatuloy na ni Go noong 2015 ang paghahain ng petisyon ay humingi si Buri ng dagdag na 38 thousand pesos para sa re-filing ng kaso.
Ulat ni Moira Encina