Isang Barangay chairman sa Magdalena, Laguna at 4 na iba pa, arestado ng NBI dahil sa Illegal Quarrying
Inaresto ng NBI-Environmental Crime Division ang isang Barangay chairman at apat na iba pang kasamahan nito dahil sa illegal Quarry operation sa Magdalena, Laguna.
Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Brgy. Balanac Chairman Dennis Olipano, Michael Abad, Randy Delos Reyes, Danilo Noriel, at Abner Davac.
Nadakip ang lima sa joint operation ng NBI, DENR, at Philippine Army 1st Infantry Battalion dahil sa pag-dispose at pag-extract ng mga boulders at minerals mula sa Balanac River nang walang kaukulang permits mula sa mga otoridad.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng report ang NBI ukol sa sinasabing illegal quarrying sa Barangay Balanac sa Magdalena, Laguna.
Nagsagawa ng serye ng surveillance operation ang mga operatiba ng NBI kung saan nakumpirma ang on going quarrying sa lugar.
Naka-transakyon din ng NBI ang seller na si Brgy. Chairman Dennis Olipano para sa pagbili ng apat na trucks ng boulder na may presyong Php17,000 kada truck.
Nasabat sa operasyon ang apat na truck na may tinatayang halaga na Php6-M at 30 cubic meters ng boulders at fabricated screens na may halagang Php43,000.
Isinalang na sa inquest proceedings sa DOJ ang lima kung saan ipinagharap sila ng reklamong paglabag sa Philippine Mining Act, at Anti- Graft law.
Moira Encina