Isang bilyong pisong shabu cover-up sa Bureau of Customs, pinaiimbestigahan ng Malakanyang
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Malakanyang sa napaulat na umano’y isang bilyong pisong halaga ng shabu na itinago sa Tapioca starch na nakalusot sa Bureau of Customs o BOC at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo iniimbestigahan na ito ni Customs Commissioner Reynaldo Guerrero tiyak na masisibak at mahaharap sa kaso ang mga personalidad na kasangkot.
Batay sa pagbubunyag ni dating BOC Spokesman na ngayo’y Port of Davao District Collector Atty. Eastus Sandino Austria mayroong anomalya sa binabaggit na shabu shipment na kinasasangkutan mismo ng mga opisyal ng Customs at PDEA.
Samantala, hindi bababa sa 50 opisyal at kawani ang inaasahang sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa hanay ng Bureau of Customs. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sangkot sa korapsyon ang mga opisyal at kawani ng Aduana.
Matatandaang una nang ipinag-utos ng Pangulo ang paglalagay sa floating status ng mga hindi muna pinangalanang high ranking officials at mga empleyado ng BOC dahil nahaharap ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.
Ulat ni Vic Somintac