Isang brgy. councilor at truck driver, arestado sa Tacloban City dahil sa tranportasyon ng banned species ng kahoy
Huli sa entrapment operation ng NBI-Eastern Visayas Regional Office (NBI-EVRO) ang dalawang lalaki sa Tacloban City dahil sa transportasyon ng banned species ng kahoy na “iron wood.”
Kinilala ang mga inaresto na sina Clyde Rey Balaan na barangay councilor at residente sa Lianga, Surigao del Sur, at Elward Lomongcan na truck driver.
Nakumpiska sa operasyon ang Php 900,000 marked money, isang unit ng wing van, 12- wheeler truck at 13 piraso ng tabla ng magkuno o iron wood.
Ang wing van at mga tabla ay ibinigay sa DENR-PENRO sa Palo, Leyte para sa documentation.
Ikinasa ng NBI ang operasyon matapos ang impormasyon ng posibleng paglabag sa Forestry Reform Code of the Philippines.
Batay sa impormasyon na natanggap ng NBI, ihahatid ng konsehal na si Balaan ang banned species ng iligal na pinutol na lumber o tabla na “iron wood” o “magkuno.”
Ang mga kahoy ay sinasabing galing sa Mindanao na lulan ng 20-footer wing van o truck gamit ang Port of San Ricardo bilang point of entry.
Ang mga ito ay sinasabing dadalhin sa Bato, Leyte at Maasin City, Southern Leyte.
Isinalang na sa inquest proceedings ang mga suspek sa piskalya sa Tacloban City kung saan inireklamo sila ng paglabag sa Forestry Reform Code.
Moira Encina