Isang consultancy firm na naka-base sa Dubai, ipinasara ng DMW
Ipaghaharap ng mga reklamong illegal recruitment ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm at travel agency na naka-base sa Dubai dahil sa sinasabing pag-aalok ng mga pekeng trabaho sa Malta at Italy.
Ngayong Martes ay sinalakay at ipinasara ng mga opisyal ng DMW ang tanggapan ng Legal Connect Travel Consultancy sa Brgy Veterans sa Quezon City.
Batay sa online at physical surveillance ng DMW, nakumpirma nilang sangkot sa illegal recruitment ang Legal Connect dahil wala itong lisensya mula sa departamento.
Nag-ugat ang kaso matapos na makatanggap ang DMW ng reklamo sa tatlong biktima.
Nabatid ng DMW na hinihingan ang mga aplikante ng P200,000 hanggang P380,000 na placement fee at pinapangakuan ng trabaho bilang caregivers at agricultural workers sa Italy at hotel workers sa Malta.
Naabutan ng DMW sa operasyon ang general manager at ilang empleyado ng ahensya na tumangging tanggapin ang closure order dahil wala pa ang kanilang abogado.
Nang dumating naman ang abogado ng Legal Connect ay umalma ito dahil sa ipinasara ang opisina ng ahensya kahit hindi pa opisyal na natatanggap nila ang kopya ng shutdown order.
Sinabi ng abogado na para sa ibang kumpanya ang closure order na iniharap sa kaniyang kliyente.
Dapat din aniyang iginalang ang karapatan sa due process ng kumpanya.
Pinasinungalingan din ng abogado ang mga paratang laban sa kaniyang kliyente.
Aniya, pag-aaralan at sasagutin nila ang mga reklamo.
Ayon pa sa abogado, inihain ng grupo ng Pinoy workers na nasa Middle East kaya wala ito sa hurisdiksyon ng Pilipinas.
Ipinakita naman ng DMW Migrant Workers Protection Bureau sa abogado ang closure order sa Legal Connect at nilinaw na mali lang ang unang naipakita sa ahensya.
Nanindigan din ang opisyal na may otoridad ang DMW na ipatupad ang pagpapasara sa kumpanya alinsunod sa batas.
Moira Encina