Isang dating Brgy chairman at apat na iba pa, arestado ng NBI dahil sa paggamit ng iligal na droga at paglabag sa Comelec gun ban
Ipinagharap ng NBI ng patung-patong na reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comelec gun ban ang isang dating Barangay chairman at apat nitong kasamahan sa Cavite City.
Kinilala ang mga ito na si Maynard Alfaro, dating Brgy Chairman ng Barangay 134 Zone 23 sa Pasay City, mga kapatid nito na sina Jonathan at Archie Alfaro at dalawang iba pa na sina Romeo Laurenaria Jr. at Henry Moyano.
Reklamong Possession and Use of Dangerous Drugs, Possession of Drug Paraphernalia at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa laban kina JONATHAN ALFARO, MAYNARD ALFARO at ARCHIE ALFARO alyas ARCHIE DULAY.
Kinasuhan naman ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Omnibus Election Code of the Philippines at Presidential Decree No.1829 o Obstruction of Justice sina LAURENARIA, HENRY MOYANO at ARCHIE ALFARO.
Inaresto ng NBI ang lima batay sa impormasyon na ang notoryus na Nanad Group na pinamumunuan ng Alfaro Brothers ay sangkot sa illegal drug trade sa Cavite City at Pasay City.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ng Bacoor City Regional Trial Court, sinalakay ng mga operatiba ng NBI ang tahanan ni Jonathan Alfaro sa isang subdivision sa Cavite.
Tinangka pa ni Jonathan na tumakas gamit ang kotse nito pero nacorner din ng mga otoridad.
Nakuha sa kwarto nito ang mga iligal na droga, drug paraphernalia, live ammunition at iba-ibang ID habang nakumpiska sa sasakyan nito ang isang kalibre kwarenta na pistola.
Sa kaparehong araw naaresto rin ng nbi ang dating Brgy. chairman na si Maynard Alfaro na may arrest order para sa kasong murder at kapatid na si archie at mga kasamahan na sina Moyano at Laurenaria na namataan sa loob ng subdivision.
Nakumpiska ng NBI sa sasakyan ni Laurenaria ang isang Glock 23 pistol na walang kaukulang dokumento ng ownership at registration.
Ulat ni Moira Encina