Isang election lawyer diskumpiyado sa panukala na multi-day voting sa 2022 polls
Kontra si election lawyer Romulo Macalintal sa panukalang pagsasagawa ng ilang araw na botohan para sa 2022 elections bunsod ng patuloy na banta ng COVID-19.
Una nang inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pinag-aaralan ng gobyerno ang pagdaraos ng multi-day voting sa halip na isang araw lamang na botohan para maiwasan ang posibleng pagtitipun-tipon ng maraming tao sa polling precincts.
Aniya maaaring hindi na feasible ang tradisyunal na single-day election dahil sa pandemya.
Pero, ayon kay Macalintal, imposible at impraktikal ang pagsasagawa ng multi-day elections dahil kakailanganin ng COMELEC na buksan ang 100,000 voting precincts araw-araw.
Bukod dito aniya ay tinatayang 600,000 tauhan ang kakailanganin kada araw ng botohan na katumbas ng bilyun-bilyong piso na pondo at gastusin.
Ipinunto rin ng abogado ang isyu sa seguridad ng mga balota at iba pang election paraphernalia.
May isyu din aniya ng trending ng resulta ng eleksyon dahil sa arawang exit polls survey.
Kumbinsido ang election lawyer na ang nasabing suhestyon ay mas madaling sabihin kaysa gawin.
Tiniyak naman ni Secretary Galvez na patuloy na nakikipag-ugnayan ang IATF at National Task Force Against COVID-19 sa COMELEC para humanap ng paraan upang mabawasan ang hawahan ng virus sa panahon ng eleksyon.
Kumpiyansa si Galvez na may sapat pa silang panahon para mapagplanuhan ang pagdaraos ng eleksyon kasama ang COMELEC at maging ang lehislatura.
Alinsunod sa Saligang Batas, ang eleksyon ay dapat isagawa sa ikalawang Lunes ng Mayo.
Tiwala naman ang opisyal na kayang magpasa ng Senado at Kamara ng panukalang batas kung kinakailangan para maisagawa ng ilang araw ang botohan.
Moira Encina