Isang Filipino Diplomat, pinakahuling biktima ng Hate crimes sa New York City
Mariing kinondena ng Philippine Consulate sa New York city ang panibago na namang kaso ng hate crimes sa ating kababayang Pinoy.
Ayon kay Consul General Elmer Cato, isang babaeng Filipino diplomat ang nakaranas ng verbal abuse mula sa isang hindi kilalang indibidwal habang nakasakay siya sa tren papasok ng kaniyang trabaho.
Ayon sa biktima, isang lalaki ang agad lumapit sa kaniya pagka-sakay niya ng tren at tinanong siya ng paulit-ulit at pasigaw kung saan siya nagmula. Matapos nito ay tinungo na umano nito ang kasamahan nitong lalaki at nagpatuloy sa pagsasalita ng masasama.
Dahil sa pangyayari, dumulog ang biktima sa New York City Police Department upang isuplong ang ginawa sa kaniya.
Bago ang insidenteng ito, ay isang 52-anyos na lalaking Pinoy ang inatake sa isang Upper East Side subway station sa New York City, kamakailan.
Nagtamo ng sugat sa mukha at ilong ang ating kababayan matapos pagsusuntukin ng isang lalaki sa 103rd Street station at paulit-ulit siyang sinigawan ng ““go back to where you came from.”
Ayon kay Cato, ito na ang ika-14 na insidente ng hate crimes sa ating mga kababayang Filipino.
Muling nanawagan si Cato sa mga otoridad sa New York na gumawa na ng karampatang hakbang kabilang dito ang pagdaragdag ng presensya ng mga pulis lalu na sa nga subway upang maging ligtas ang ating mga kababayan at iba pang Asian-Americans tuwing lumalabas sila ng bahay.
Iminungkahi rin ni Cato sa New York authorities na tutukan ang mental health ng mga naiulat na nasa 40 percent homeless individual sa lunsod na sangkot umano sa hate crimes laban sa mga Asian-American.
Pinayuhan naman ni Cato ang Filipino community na manatiling alerto at mapagmatyag lalu na’t kung lalabas ng tahanan at magtutungo sa mga subway at ireport kaagad sa 911 o sa Embahada ang mga kahalintulad na insidente.