Isang grupo ng kabataan hiniling sa DOJ na ibasura ang sedition case laban kay VP Leni Robredo
Hiniling ng isang grupo ng kabataan sa DOJ na tinatawag na Team Pilipinas na ibasura ang reklamong inciting to sedition laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang Team Pilipinas ay isang volunteer group na nabuo noong nakaraang eleksyon na sumuporta sa mga pambato ng oposisyon na Otso Diretso.
Sa kanilang letter-petition na isinumite sa DOJ, sinabi ng grupo na walang basehan ang reklamo ng CIDG laban kay Robredo at isa lang pagtatangka para patahimikin ang oposisyon.
Ayon sa grupo, bilang mamamayan tungkulin nila na protektahan ang kanilang boto.
Ang pagtanggal anila kay Robredo batay sa mga walang katotohanang alegasyon at kwestyonableng testigo ay insulto sa demokrasya.
Iginiit ng Team Pilipinas na sinungaling si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na nagdiin kina Robredo at sa iba pang taga oposisyon na nasa likod ng Ang Totoo Narcolist videos at planong pabagsakin ang pamahalaang Duterte.
Una na ring nagsulong ang Team Pilipinas ng solidarity petition sa website na change.org na nangangalap ng mga pirma para sa pagpapabasura sa sedition case laban kay Robredo.
Ulat ni Moira Encina