Isang grupo ng oposisyon sa Kamara hindi na kukwestyunin sa SC ang limang buwang extension ng Martial Law
Hindi na kukwestyunin sa Korte Suprema ng isang grupo ng oposisyon sa Kamara ang limang buwang ektensyon ng Martial Law.
Ayon kay Albay Cong. Edcel Lagman, ay dahil na rin sa huling desisyon ng Supreme Court na kumatig sa Congressional discretion.
Sinabi ni Lagman na malabo silang makakuha ng paborableng desisyon sa Korte Suprema kung magpetisyon sila laban sa pagpapalawig ng batas militar matapos nitong ibasura ang dalawa nilang mandamus petition.
Una na dito ang pagbasura sa petisyon ni Ifugao Cong. Teddy Baguilat na nagpapa-compel sa Kamara na kilalanin siya bilang lehitimong Minority Leader matapos maging runner up kay Speaker Pantaleon Alvarez sa labanan sa Speakership.
Kasunod nito, naibasura rin ng Supreme Court ang dalawang petition for mandamus na mag-oobliga din sa Kongreso para mag joint session upang ikonsidera ang Martial Law declaration ni Pangulong Duterte.
Pero pagtiyak ni Lagman sa oras na makitaan nila ng pag-abuso ang pagpapairal ng Martial Law sa Mindanao ay handa silang umakyat sa Supreme Court.
Umaasa rin aniya silang sa oras na matapos na ang bakbakan sa Marawi City ay babawiin na rin ang Martial Law declaration sa Mindanao.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo