Isang itinuturong ASG member, arestado sa Taguig City
Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng NBI- Counter-Terrorism Division, AFP, at PNP ang isang sinasabing miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Maharlika Village sa Taguig City.
Tinukoy ng NBI ang inarestong indibidwal na si Wahab Jamal alyas Ustadz Usman Halipa.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Basilan Regional Trial Court kaugnay sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban dito.
Inihayag ng NBI na nakatanggap ito ng impormasyon noong Abril na may ASG member na namataan sa Maharlika Village, Taguig City kung saan ito sinasabing naninirahan.
Nabatid ng kawanihan na sangkot si Jamal sa Golden Harvest Plantation kidnapping sa Lantawan, Basilan noong 2001 at kasama sa arrest warrant na inilabas ng korte.
Positibo ring kinilala ng mga testigo si Jamal na miyembro ng teroristang grupo.
Nagsagawa naman ang NBI, AFP, at PNP ng serye ng casing at surveillance sa target area at sa suspek bago ikinasa ang joint operation.
Nakakulong na ang suspek sa NBI Detention Center sa Maynila.
Sa tala ng NBI, umaabot na 27 kasapi ng ASG ang nahuli ng kawanihan mula noong 2018.
Moira Encina