Isang konsehal sa Quezon Province, arestado dahil sa kasong kidnapping at rape
Arestado ng mga tauhan ng PNP – CIDG ang isang konsehal sa Lopez, Quezon dahil sa kasong kidnapping at panghahalay umano sa isang 18 anyos.
Kinilala ni Quezon Police Director Col. Joel Villanueva ang suspek na si Arkie Manuel Yulde, konsehal sa Bayan ng Lopez.
Ang pag-aresto kay Yulde ay kasunod ng warrant of arrest na inilabas ni Rosales, Pangasinan Regional Trial Court Branch 53 Presiding Judge Roselyn Andrada-Borja.
Sa record ng korte, si Yulde ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti Child Abuse Law, at kidnapping and serious illegal detention with rape.
Wala namang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Si Yulde ay una ng inakusahan ng biktima na itinago sa alyas na Wena ng pagdukot, pagkulong at paulit- ulit na panghahalay umano mula Abril 17 hanggang Abril 22 sa isang hotel sa bayan ng Rosales.
Sa tulong ng grupo ni Professor Salvador Singson-de Guzman, chairman ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. nasampahan ng kaso sa piskalya si Yulde.
Ang ina ng biktima na nakakatandang kapatid ng kinakasama ni Yulde at nagsilbing kasambahay ng mga ito.
Ayon sa biktima, 17 anyos palang siya nang simulang abusuhin ng suspek.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima noong Abril 15,2021, nagpaalam ang biktima sa kanyang tiyahin para umuwi sa kanilang lalawigan sa Abra.
Umaga ng Abril 17 habang nag- aabang
ng masasakyan papauwi sa kanilang probinsya ang biktima ay dumating si Yulde at pinasakay sa sasakyan nito.
Pero sa halip na ihatid sa terminal, dinala raw siya nito sa isang hotel sa Rosales, Pangasinan kung saan siya paulit- ulit na hinalay mula Abril 17 hanggang Abril 21.
Madelyn Moratillo