Isang lawyer-politician sa Camarines Sur, sinuspinde ng Korte Suprema dahil sa kapabayaan sa tungkulin bilang abogado
Isang taon na hindi makakapag-practice ng abogasya ang isang lawyer -politician sa Camarines Sur matapos suspendihin ng Korte Suprema dahil sa pagpapabaya sa tungkulin bilang abogado.
Sa anim na pahinang resolusyon ng Supreme Court First Division, napatunayang guilty si Atty Ariel T. Oriño sa paglabag sa Canon 18 ng Code of Professional Responsibility.
Ayon sa Korte Suprema, nabigo si Oriño na dumalo ng pagdinig at magsumite ng position paper para sa ejectment case ng mga complainant na nagresulta sa pagkatalo ng mga ito sa kaso sa Municipal Circuit Trial Court ng Libmanan-Cabusao, Camarines Sur.
Nabigo rin si Oriño na maghain ng memorandum para sa mga complainant sa Regional Trial Court na nagdulot kaya nabasura ang apela ng mga ito.
Sinabi ng SC na hindi ginampanan ni Oriño ang tungkulin nito kahit nabayaran na ito ng 20,000 pesos na acceptance fee, 1,500 na appearance fee, at maging ng mga buhay na manok at mga tanim.
Inamin ni Oriño ang kanyang mga kapabayaan dahil sa naging abala siya sa kanyang kampanya noong 2010 elections at nabigong maghain ng formal withdrawal bilang abogado ng mga complainant.
Pero iginiit ng Korte Suprema na hindi katanggap-tanggap at isang kahambugan ang dahilan ni Oriño na politiko ito kaya napabayaan niya ang tungkulin niya sa kanyang mga kliyente na paglabag sa lawyer’s oath.
Ulat ni Moira Encina