Isang lungsod sa Australia naglockdown matapos makalabas ang isang virus carrier mula sa quarantine hotel
SYDNEY, Australia (AFP) — Ipinag-utos ng Australian authorities ang pagpapatupad ng tatlong araw na lockdown sa western city ng Perth, matapos makalabas mula sa isang quarantine hotel ang isang infected international traveller.
Sinabi ni Western Australia State Premier Mark McGowan, na isang lalaki ang pinayagang lumabas ng hotel noong April 17 matapos mag-negatibo sa test sa katapusan ng kaniyang 14-day standard quarantine, subalit nag-positibo ilang araw pagkatapos.
Isa sa kanyang naging close contacts sa Perth ay nagpositibo rin sa COVID-19 nitong Biyernes, na siyang unang kaso ng community transmission sa estado sa loob ng 12 buwan.
Hinahanap na rin ng mga awtoridad ang iba pang taong naging kontak ng naturang lalaki, sa loob ng limang araw niyang pananatili sa Perth bago ito lumipad patungong Melbourne, kung saan siya nagpositibo sa test noong Miyerkoles at isinailalim na sa isolation.
Ang Australia ay kabilang sa pinakamatagumpay na mga bansa sa mundo sa pagpigil sa virus, kung saan wala pang 30-libo ang naging kaso nila at lampas lamang sa 900 ang nasawi sa kalipunan ng 25 milyong populasyon.
Ang ilang bilang ng community transmission sa mga nakalipas na buwan ay iniuugnay sa hotel quarantine sa mga pangunahing siyudad, at lahat ng outbreaks ay matagumpay na napigilan sa pamamagitan ng katulad na maiikling lockdowns.
Samantala, nitong Huwebes ay inanunsiyo ng federal government ang pagpapatupad ng restriksiyon sa mga bagong dating na traveller mula India.
Ayon kay McGowan babawasan din ng Western Australia ang bilang ng Australian na papayagang makabalik sa bansa kada lingo.
Sinabi pa ni McGowan, na sa ilalim ng lockdown ang mga residente ng Perth at katabing Peel region, ay kailangang manatili sa kanilang tahanan sa loob ng tatlong araw.
Sarado ang entertainment venues, at takeout services lamang ang papayagan sa mga restaurant at pub.
Aniya, mapipilitan din na kanselahin ang mga event bukas para sa Anzac Day, ang annual day of remembrance para sa mga sundalo ng Australia at New Zealand na nasawi sa giyera.
Sa ginawang anunsiyo tungkol sa lockdown, sinabi ni McGowan . . . “I know this is hard to take and I wish we didn’t need to do this (but) we can’t take any chances with the virus.”
© Agence France-Presse