Isang malakas na mensahe umano sa China ang pag-utos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na baklasin ang floating barrier na inilagay ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Dahil sa nasabing utos ng Pangulo, bumuo ng isang special team ang Philippine Coast Guard (PCG) para maalis ang nasabing barrier.
Naniniwala si De La Salle International Studies Prof. Renato de Castro, na sa pamamagitan nito ay naipakita ng Pangulo ang kaniyang matibay na political will upang masiguro ang food security para sa mga pinoy lalo na sa mga apektadong mangingisda.
Naipakita rin aniya ni PBBM ang kanyang “independent foreign policy” dahil hindi na ito kumonsulta pa sa mga kaibigang bansa gaya ng US, Japan at Australia bago nagdesisyon.
Una rito, sinabi ng PCG na matapos ang pag-alis nila sa floating barrier, nagsagawa sila ng maritime domain awareness flight sa Bajo De Masinloc kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung saan naobserbahan nilang nabawasan ang barko ng China roon.
Ayon kay de Castro ipinakita ng Pangulo sa gobyerno ng China kung paanong tutugunan ng administrasyon ang mga illegal activities sa West Philippine Sea.
Kumpyansa si de Castro na mas maraming “decisive actions” ang gagawin ng Pangulo para tugunan ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.
Madelyn Moratillo